₱1.7-B, inilaan ng DA bilang interbensyon sa agri-fishery sector na matinding winasak ni Bagyong Rolly

Abot sa ₱1.7 billion ang ipalalabas ng Department of Agriculture bilang interbensyon sa mga lugar na nagtamo ng matinding pinsala sa agri-fishery sector dahil sa paghagupit ni bagyong Rolly.

Sa virtual presser sa DA, sinabi ni Dir. Roy Abaya ng Field Operations Service DRRM Operations Center, abot sa ₱400 million ang ipamimigay mula sa quick response fund ng ahensya para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.

₱1 billion naman ang inilaan upang ipambayad sa insurance claims sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corporation para sa mga pananim na nawasak.


₱300 million naman ang ipapautang sa ilalim ng SURE-Aid program ng Agricultural Credit Policy Council.

Sa ilalim nito, maaaring makapangutang ng ₱25,000 ang mga magsasaka na may zero interest at maaaring bayaran sa loob ng sampung taon.

Nakahanda na rin para ipamahagi ang 133,326 na bags ng binhi ng palay, 17,545 bags ng binhi ng mais, at 1,980 kilograms ng mga gulay.

Nasa sampung milyong piraso ng tilapia at bangus fingerlings ang ipamamahagi sa mga apektadong mangingisda.

Ito’y maliban sa mga ipamimigay na kagamitan sa pangingisda at iba pang fishing paraphernalia.

Magkakaroon din ng distribusyon ng mga gamot at biologics para sa alagaing hayop at sa poultry.

Facebook Comments