₱15 trilyong halaga ng mga proyekto, paaaprubahan kay Pangulong Marcos ngayong linggo ayon sa NEDA

Nakatakdang magpulong ngayong linggo ang cabinet level ng Investment Coordination Committee para isapinal ang nasa ₱15 trilyong halaga ng mga proyekto na isusumite kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa susunod na buwan.

Ito ang inihayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan sa kaniyang pagharap sa face-to-face forum ng Makati Business Club sa mga miyembro ng gabinete.

Ayon kay Balisacan, aabot aniya sa mahigit 3,000 proyekto ang kabilang sa kanilang ipepresenta kay Pangulong Marcos kung saan 190 rito ay nakapailalim sa Public-Private Partnership habang 98 dito ang kasalukuyang nasa pipeline na.


Binabalangkas na ng NEDA Board Executive Committee na pinamumunuan ni Pangulong Marcos ang pinal na listahan ng mga proyekto na kanila namang tatalakayin sa susunod na pagpupulong sa Marso 9.

Umaasa si Balisacan na aaprubahan ng pangulo ang lahat ng mga proyektong nasa listahan na malaking bagay aniya para sa maisakatuparan ang layunin ng pamahalaan na mapalago ang ekonomiya.

Facebook Comments