Suspek na pumatay sa turista mula New Zealand, sumuko na sa Southern Police District

Kinumpirma ni Southern Police District Director BrGen. Kirby Kraft na sumuko na ang isa sa mga suspek sa pagpatay sa turista mula sa New Zealand.

Sa pahayag ni Kraft, natakot ang suspek kaya sumuko ito sa mga awtotidad habang nasa Pasig City.

Sinabi ng opisyal na ang suspek na si John Mar Manalo ay mariing itinatanggi ang pagkakasangkot sa krimen kahit pa may limang testigo at positibo siyang itinuro ng girlfriend ng biktima.


Nabatid na ang pamilya mismo ng itinuturong suspek ang siyang nagsuko sa mga tauhan ng SPD ilang oras matapos ang press conference kung saan naglabas ng P500,000 na pabuya sa kaniyang pagkaka-aresto.

Matatandaan na nabaril at napatay ang New Zealand national na si Nicholas Peter Stacey ng mga suspek na nakamotor sa may bahagi ng Filmore Street, Barangay Palanan sa Makati City.

Lumalabas sa imbestigasyon na hinoldap ng mga suspek ang girlfriend ng biktima kung saan pumalag ang turista kaya ito binaril sa dibdib at nasawi.

Facebook Comments