₱19-M na multa sa Meralco, barya lang ayon sa isang Kongresista

Barya lamang umano para sa Meralco ang ₱19 million na multa na ipinataw dito ng Energy Regulatory Commission (ERC) dahil sa “bill shock” sa kasagsagan ng mahigpit na community quarantine.

Giit ni Deputy Minority leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, barya lang ang ₱19 million para sa Meralco at kung tutuusin ay mas malaking halaga ang dapat na maibalik nito sa publiko.

Tinukoy pa ni Zarate na ang multang ipinataw ng ERC sa Meralco ay hindi mapupunta sa mga consumers.


Hinimok ni Zarate ang Commission on Audit (COA) na magsagawa ng full audit sa Meralco upang malaman ang totoong halaga na dapat nitong isauli sa mga consumers lalo pa’t sa panahon ngayon na kailangang-kailangan ng publiko ng assistance.

Sinabi pa ng kongresista na dapat ay ₱66 billion ang dapat na maibalik sa consumers mula sa sobrang singil ng Meralco noong 2019.

Lumalabas aniya na noong 2019 ay idineklara ng Meralco sa kanilang audit financial statement na ₱240 billion ang inabot ng power cost pero ₱179 billion lamang talaga ang halaga ng generation purchase ng kumpanya.

Bukod dito, naitala rin ang ₱13.03 billion na discrepancy sa power purchased ng Meralco noong nakaraang taon matapos na ideklara ng kumpanya na ₱46.871 billion ang halaga ng purchased power nito pero aabot lamang pala sa ₱33.585 billion ang halaga ng lahat ng generation sources kasama ang Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Facebook Comments