Nilinaw ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Agnes Devanadera na mapupunta sa pamahalaan ang P19 million na multang ipinataw sa Meralco bunsod ng ‘bill-shock’.
Paliwanag ni Devanadera sa gitna ng pagdinig sa budget, ang milyong pisong multa sa Meralco ay hindi mapupunta sa ahensya kundi ito ay direktang mapupunta sa National Treasury.
Paglilinaw pa niya na walang halaga rito ang mapupunta sa ERC dahil isang ‘collecting agency’ lamang ang komisyon.
Hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring dinidinig ng ERC ang nasa 50,000 reklamo ng mga consumer laban sa Meralco.
Nauna namang inatasan ng ERC ang Meralco na bigyan ng discount sa power bill ang mga low-income family kung saan agad dapat itong ipatupad 15 araw matapos na matanggap ng Meralco ang nasabing order.