Kasado na ang pagbebenta ng murang bigas ng pamahalaan pagdating ng Agosto.
Sa Malacañang press briefing, inihayag ni National Irrigation Administrator (NIA) Administrator Eduardo Guillen na nasa ₱29 kada kilo ang ibebenta nilang bigas sa mga Kadiwa.
Mabibili aniya ito sa Metro Manila, Cebu, at Davao.
Nasa hanggang 10 kilo ng bigas ang pwedeng mabili ng kada pamilya sa mga Kadiwa outlets.
Ayon kay Guillen, ang proyektong ito ay naging posible sa ilalim ng contract farming na layong pataasin ang produksyon para makamit ang rice sufficiency at security.
Sa ilalim ng contract farming program, binibigyan ng kinakailangang agricultural inputs at kapital ang mga magsasaka para mapalakas ang productivity at competitiveness.
Samantala, mayroon na rin aniyang ibinibentang ₱20 na kada kilo ng bigas ang kadiwa sa NIA na galing sa mga asosasyon at irrigators.
Hindi naman aniya lugi rito ang irrigators dahil batay sa kanilang pagkwenta, lumalabas na nasa sampung piso lamang kada kilo ang production cost na ginugugol ng mga ito.