Ipinarekunsidera ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang terminasyon sa period of interpellation gayundin ang pag-apruba sa ikalawang pagbasa ng House Bill 7727 o 2021 General Appropriations Bill (GAB).
Ito ay matapos na magbotohan ang mga kongresista na ibalik muli sa period of sponsorship and debates ang panukalang ₱4.5 trillion na pambansang pondo sa susunod na taon.
Kasunod nito ay agad na sumalang sa sponsorship and debate sa plenaryo ang panukalang pondo ng Civil Service Commission (CSC) kung saan unang nagtanong dito si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite.
Kung matatandaan, noong nakaraang linggo ay pinagtibay agad ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang 2021 GAB sa mosyon na rin ng dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na sinundan naman ng suspensyon sa sesyon ng Kamara.
Aabot pa sa 14 na mga ahensya ng gobyerno ang isasalang sa plenaryo.
Binigyan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ng hanggang Biyernes, October 16, ang Mababang Kapulungan para aprubahan hanggang sa pinal na pagbasa ang national budget.
Samantala, bukod sa pagpapalit ng Speaker ay nahalal bilang bagong Chairman ng Committee on Accounts si Davao City Rep. Paolo Duterte kapalit ni Cavite Rep. Abraham Tolentino.