Nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) ang mahigit ₱50-M halaga ng shabu mula sa apat na arestadong drug suspeks sa magkakahiwalay na operasyon sa Cebu.
Sa ulat ni Police Regional Office 7 Central Visayas Director, Brig. Gen. Roderick Augustus Alba na nakarating sa Camp Crame, narekober ang 3.2 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng halos ₱22-M sa operasyon sa Barangay Mabolo sa Cebu City.
Nakuha ang shabu mula sa dalawang suspek na kinilalang sina Christian Amistad Peña, 32, isang dating Overseas Filipino Worker (OFW) na naging pangunahing supplier ng shabu sa mga barangay ng Hipodromo, Carreta, at Mabolo; at ang kanyang courier na si Burt Jason Faburada Turno, 36.
Samantala, nitong Lunes naman ay naaresto sa buy bust operation sa West Binabag sa Barangay Tayud si Dondonico Pacot Duaban na nakunan ng 2 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱13.6-M.
Habang naaraesto naman sa buy bust operation sa Soong, Barangay Mactan, Lapu-Lapu City ang isang babaeng drug personality, na kinilalang si Arceli Auron Cortez, alyas Cel, na nakunan naman ng 2.1 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱14.2M.
Ang mga arestadong suspek ay nahaharap sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.