Saturday, March 14, 2026

₱7,000 na buwanang subsidy sa mga mangingisda, magsasaka at public transport worker, isinulong sa Kamara

Isinulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan, na mabigyan ng ₱7,000 na buwanang subsidy ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa hanay ng mga mangingisda, magsasaka, at manggagawa sa pampublikong transportasyon.

Nakapaloob ito sa House Bill No. 8340 na nag-uutos ng pagpapatupad ng komprehensibong fuel subsidy program para sa sektor ng pampublikong transportasyon, agrikultura, at pangingisda sa harap ng tumataas na presyo ng langis.

Paliwanag ni Yamsuan, layunin ng panukala na ma-institutionalize ang fuel subsidy program upang matiyak na may nakalatag na mekanismo ang pamahalaan para sa mga vulnerable sectors tuwing magkakaroon ng krisis.

Batay sa panukala, bubuo rin ng isang Advisory Council na mangangasiwa sa pagsusuri at pagtatakda ng halaga ng subsidy depende sa sitwasyon o sa presyo ng langis.

Kapag naging ganap na batas, ang alokasyon para sa programa ay ipapaloob sa taunang pambansang budget sa ilalim ng pondo ng Department of Energy (DOE), Department of Transportation(DOTR), Department of Agriculture 9DA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Facebook Comments