Sa kabila ng mga katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), tiyak ng Senado na aaprubahan pa rin ang ₱71 billion subsidy ng ahensya na nakapaloob sa proposed 2021 national budget.
Ayon kay Senate Presidente Vicente Sotto III, ang nasabing halaga ay pang-ayuda na rin ng gobyerno sa pagpapagamot at pagpapaospital ng mga Pilipino, batay sa Universal Health Care (UHC) Law.
Maliban dito, pandagdag din aniya ito sa pagtugon ng ahensya sa COVID-19 pandemic
Paliwanag pa ni Sotto, nagpulong na sila ukol dito nina Budget Secretary Wendel Avisado at Senador Sonny Angara na Chairman ng Senate Committee on Finance.
Sa nasabing pulong, sinabi ni Sotto na siguradong ipapakiusap ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na huwag galawin ang subsidiya na pinalalaan sa PhilHealth.
Ang nasabing halaga rin ay idadagdag ng PhilHealth sa kontribusyong nakukuha nito sa kanilang mga miyembro at sa kita ng kanilang mga investment.
Tiwala naman si Sotto na sa pangangasiwa ni bagong PhilHealth President at CEO Dante Gierran ay mababantayan ang paggamit ng pondo at maiimbestigahan ang mga naging pag-abuso rito.