
Cauayan City – Dalawampung ambulant vendors sa bayan ng Roxas, Isabela ang tumanggap ng livelihood kits at push carts mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) Isabela Field Office 2.
Ang tulong na nagkakahalaga ng ₱1 milyon ay ipinagkaloob sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) at kinabibilangan ng mga push cart at kagamitan para sa 18 projects ng snack vending at dalawang cooked food vending.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang 15 kababaihan at dalawang senior citizen na inaasahang gagamitin ang proyekto bilang pangunahing pagkukunan ng kita.
Bago ang pamamahagi, nagsagawa ang DOLE-IFO ng Basic Bookkeeping session sa ilalim ng Business and Work Improvement Course (BWIC) upang maturuan ang mga benepisyaryo ng tamang pamamahala ng simpleng financial transaction.
Layunin ng programa na palakasin ang kakayahan ng mga ambulant vendor tungo sa pangmatagalang kabuhayan at paglago ng kanilang maliliit na negosyo.










