𝗕𝗢𝗠𝗕𝗔𝗡𝗚 𝗛𝗜𝗡𝗗𝗜 𝗣𝗔 𝗦𝗨𝗠𝗔𝗦𝗔𝗕𝗢𝗚, 𝗠𝗨𝗟𝗜𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗧𝗔𝗚𝗣𝗨𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗡𝗨𝗘𝗩𝗔 𝗩𝗜𝗭𝗖𝗔𝗬𝗔

Cauayan City – Isa nanamang bomba na hindi pa sumasabog ang natagpuan sa lalawigan ng Nueva Vizcaya, partikular na sa Brgy. Calitlitan, sa bayan ng Aritao.

Sa ibinahaging impormasyon ng Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit Nueva Vizcaya (PECU Nueva Vizcaya), kaagad na ipinagbigay-alam sa kanilang himpilan nang matagpuan ang nabanggit na gamit pandigma.

Kaagad naman itong nirespondehan ng mga awtoridad upang kunin, at sa pagsusuri ng ahensya, ang pampasabog ay isang CTG 60mm, HE, na walang fuse at kinakalawang na.

Mariin naming pinaalalahanan ng PECU ang publiko na sa mga pagkakataong sila ay makakakita ng ganitong uri ng gamit pandigma, kaagad na ireport sa kinauukulan upang maiwasan na magdulot ng panganib.

Ayon sa kanila, kahit na luma man at kinakalawang na ay maaari pa rin itong sumabog kaya naman mas mabuting hayaan na lamang na ang mga eksperto ang gumalaw rito.

Matatandaang kamakailan lamang, isang trahedya na nagresulta sa pagkasawi ng isang indibidwal ang naganap sa nabanggit na lalawigan matapos na lagariin ng biktima ang natagpuang pasabog.

Facebook Comments