
Cauayan City – Muling ilalapit ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan City ang serbisyo nito sa mga mamamayan sa pamamagitan ng programang “City Hall on Wheels” na gaganapin sa Sabado, February 21, 2026, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa San Francisco Community Center.
Makikinabang sa nasabing aktibidad ang mga residente ng Barangay San Francisco, Faustino, at San Antonio kung saan ihahatid nang direkta sa komunidad ang iba’t ibang serbisyong pang-gobyerno.
Kabilang sa mga libreng serbisyong maaaring ma-avail ng ang medical at dental check-up at libreng gamot, social welfare assistance, libreng legal services, libreng pagtataya ng halaga ng ari-arian, scholarship assistance, at tulong para sa pagkuha ng City ID.
Pinapayuhan ang mga residente na magdala ng alinman sa mga kinakailangang dokumento tulad ng Cauayan City ID para sa financial at medical assistance, anumang government-issued ID, Voter’s ID o Voter’s Identification Number para sa aplikasyon ng City ID, CEDULA, barangay clearance, barangay indigency form, medical abstract, at reseta ng doktor para sa medical provision.
Layunin ng programang City Hall on Wheels na mas mapalapit sa mamamayan ang serbisyong pampubliko at matugunan ang kanilang mga pangangailangan nang mabilis at direkta sa kanilang komunidad.










