Cauayan City – Pinag-aaralan ng Department of Social Welfare and Development ang posibleng pagpapatupad ng digital payment sa social pension para sa mga indigent senior citizens.
Kasabay ng cash payout noong ikatlong quarter ngayong taon ay personal na bumisita sa iba’t-ibang Local Government Units ang Office of the Program Management Bureau Director na si Alfrey P. Gulla, kasama ang Focal Person Older Persons Program na si Daisy Caber, at mga kawani ng DSWD FO2 upang magsagawa ng survey at assessment.
Ito ay alinsunod sa Memorandum Circular No.10, series of 2024 o mas kilala bilang The Policy on Digital Payment Using Transaction Accounts for Ease of Delivery of Social Protection Program and Services.
Ilan sa maaaring pagpilian ng mga benipesyaryo sa pagtanggap ng tulong pinansyal para sa kanila ay sa pamamagitan ng ATM Cash Card, E-Wallets katulad ng Gcash o Paymaya, o kaya naman ay money remittances.
Samantala, sa ngayon ay wala pang inilalabas na resulta sa isinagawang survey kaugnay rito kaya naman cash payout pa rin ang magiging paraan ng pamamahagi ng pension sa mga benepisyaryo.