
Cauayan City – Ipinahayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na makakatulong ang bagong direct-to-cell technology upang manatiling may komunikasyon ang publiko kahit walang cell towers, lalo na sa panahon ng sakuna.
Sa panayam ng IFM News Team kay Engr. Bryan Tomas, System Analyst ng DICT Isabela Province, sinabi niya na ang naturang teknolohiya ay ina-adopt na ng Pilipinas at ito ang kauna-unahan sa Southeast Asia na gagamitnitong sistema.
Dagdag pa niya, pinapayagan ng direct-to-cell technology ang mga smartphone na direktang kumonekta sa mga satellite.
Sa tulong ng direct-to-cell technology, kahit may bagyo ay hindi na mawawalan ng signal ang publiko at mababawasan ang pangamba sa pagkawala ng komunikasyon sa oras ng sakuna.
Ayon pa sa kanya, ang malaking benepisyo nito ay kahit nasa malalayong lugar tulad ng kabundukan o lugar na walang cell tower ay maaari pa ring magkaroon ng signal ang cellphone.
Sa pamamagitan ng teknolohiyang ito, posible pa ring makatawag sa mga kapamilya, makapagpadala ng text message, makapag-video call, at makagamit ng internet.
Ang proyekto ay bahagi ng partnership ng Globe at Starlink, sa suporta ng DICT.
Saklaw nito ang iba’t ibang uri ng cellphone basta ang SIM card na ginagamit ay may ugnayan sa Starlink, na sa kasalukuyan ay Globe pa lamang ang may aktibong kolaborasyon.
Sa ngayon, hindi pa ito ganap na naipatutupad sa Lungsod ng Cauayan, at inaasahan na makikipag-partner din ang iba pang telecommunication companies sa hinaharap.
—————————————
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










