
Cauayan City – Naglabas ng mahalagang paalala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) hinggil sa mga kinakailangang identification card (ID) para sa mga benepisyaryo ng Social Pension Program para sa indigent senior citizens.
Ayon sa ahensya, kinakailangang magdala ng valid government-issued ID bilang secondary ID sa pagkuha ng benepisyo. Samantala, patuloy ding kinikilala ang National ID o PhilSys ID bilang pangunahing ID.
Kabilang sa mga tinatanggap na valid IDs ang National ID/PhilID Card, OSCA ID, PhilHealth ID, Voter’s ID, pasaporte, driver’s license, 4Ps ID, PWD ID, TIN ID, Postal ID, at Solo Parent ID. Tinatanggap din ang iba pang government-issued IDs tulad ng SSS-UMID, GSIS e-card, OWWA ID, OFW ID, PRC ID, Seaman’s Book, at Integrated Bar of the Philippines ID.
Dagdag pa ng DSWD, maaari ring gamitin ang iba pang government-issued ID basta’t naglalaman ito ng kumpletong pangalan, larawan, at tirahan ng may-ari.
Layunin ng paalalang ito na matiyak ang maayos at mabilis na proseso sa distribusyon ng pensyon para sa mga kwalipikadong nakatatandang Pilipino. Pinapayuhan ang publiko na ihanda ang mga kinakailangang dokumento upang maiwasan ang abala sa pagkuha ng benepisyo.










