Hindi umano prayoridad ng pitong majority councilors ng Sangguniang Panlungsod ang mga proyektong isinusulong sa ilalim ng supplemental budget ng lungsod ng Dagupan. Ito ang pagsisiwalat ng alkalde ng lungsod ng Dagupan na si Mayor Belen T. Fernandez sa naging panayam nito sa iFM News Dagupan.
Tahasang sinalungat ni Mayor Fernandez ang mga hakbang na naunang ginawa ng majority councilors na pag-apruba sa SRI, Gratuitous Pay at incremental increase sa mga empleyado sa lungsod. Diumano, Disyembre pa hinihingi ito, ngunit kamakailan lang ipinasa, kaya’t tila naging last priority raw sila.
Samantala, nasa ilalim din ng hindi inaprubahang supplemental budget noong mga nakaraang taon pa, diumano, ang mga dump trucks, backhoes, ambulansya, mga imprastaktura, sports equipments, handicapped equipments, communication technologies, at marami pang iba na kailangan ng lokal na pamahalaan.
Sa kabilang banda, pagliliwanag ni Finance Committee Chairman Councilor Red Mejia, na hindi nagbago ang kanilang pananaw sa 45 million na supplemental budget na tiniyak nitong makatutulong para sa benepisyo ng mga empleyado at ng mga barangay, gayundin ng iba pang mga proyekto at programa.
Dagdag pa nito, na kinokonsidera pa rin nilang maaprubahan ang iba pang mga items, proyekto at programa, ngunit hinihintay lamang nila na gastusin ang budget na naipasa kamakailan na nagkakahalaga ng humigit kumulang PHP 1.83 Billion. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨