Monday, February 23, 2026

‎𝗞𝗔𝗠𝗔𝗧𝗜𝗦 𝗦𝗔 𝗡𝗨𝗘𝗩𝗔 𝗩𝗜𝗭𝗖𝗔𝗬𝗔, 𝗕𝗔𝗚𝗦𝗔𝗞 𝗣𝗥𝗘𝗦𝗬𝗢; 𝗠𝗚𝗔 𝗔𝗡𝗜, 𝗧𝗜𝗡𝗔𝗣𝗢𝗡 𝗦𝗔 𝗚𝗜𝗟𝗜𝗗 𝗡𝗚 𝗞𝗔𝗟𝗦𝗔𝗗𝗔


‎Cauayan City – Muling napilitan ang ilang magsasaka sa Nueva Vizcaya na itapon ang kanilang ani ng kamatis bunsod ng patuloy na pagbagsak ng presyo at kakulangan ng bumibili.

‎Sa Barangay Bonfal East sa Bayombong, agad na dinagsa ng mga residente ang mga kamatis na itinambak sa gilid ng by-pass road, at nag-uwi ng maramihan dahil sariwa pa at maayos ang kalidad ng mga ito.

‎Paliwanag ni Julio Basilan, Production Sales and Marketing Officer ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) na hindi na bago sa kanila ang ganitong sitwasyon at naipabatid na ito sa Department of Agriculture Regional Office.

‎Aniya, hindi naman sumobra ang produksyon ngunit nabawasan ang demand mula sa mga trader na karaniwang kumukuha ng ani sa lalawigan at kasabay din ng anihan sa Nueva Vizcaya ang produksyon sa Ilocos, Pangasinan, Nueva Ecija at iba pang lugar sa Central Luzon, kaya bumaba ang presyo sa merkado.

‎Dagdag pa rito, mas tinatangkilik ng mga mamimili ang malalaki at bahagyang hinog na kamatis, samantalang mas maliliit ang karamihang ani sa probinsiya.

‎Sa tala ng NVAT, nasa ₱10 hanggang ₱12 kada kilo ang malalaking kamatis at ₱8 hanggang ₱10 ang katamtamang laki sa wholesale trading.

‎Umaasa ang mga opisyal na makatutulong ang Kadiwa program at pakikipag-ugnayan sa mga NGO sa barter trade upang mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka.

‎Source: DWRV
‎Photo: Alma Daang at Rhemz Aricheta

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments