
Cauayan City – Nahaharap sa kasong Homicide ang isang lalaki matapos na patayin ang kapwa nito lalaki na umano’y nanamantala sa kanya sa bayan ng Santo Tomas, Isabela.
Sa panayam ng IFM News Team kay Police Lieutenant Nelson Delos Trinos, Deputy for Operation ng Santo Tomas Police Station, sinabi nitong nangyari ang insidente ng pagpatay noong ika-24 ng Enero.
Ayon sa kanya, kusa namang sumuko ang suspek na kinilalang si “Relio” sa Sto. Tomas Police Station noong ika-26 ng Enero dahil sa pag-aalalang baka balikan at gantihan umano siya ng pamilya ng biktima.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng BJMP ang suspek matapos na sampahan ng kasong Homicide.
Sinabi rin ni PLT Delos Trinos, na hindi naman madalas makapagtala ng kaso ng rape at sexual abuse sa kanilang nasasakupan. Ito rin umano ang unang beses na may naitalang kaso ng pang-aabuso kung saan kapwa lalaki ang sangkot.
Bilang hakbang, patuloy ang kanilang mga interventions kontra pang-aabuso sa pamamagitan ng social media posts, dialogue and lectures sa mga barangay upang mapalawak ang kaalaman ng mga residente.
Hinihikayat rin nito ang mga residente na kung sakali man na makaranas ng anumang uri ng pang-aabuso, huwag mag-atubiling lumapit at magsumbong sa kanilang tanggapan at huwag ilagay ang batas sa sarili nilang mga kamay.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










