Cauayan City – Unti-unti ay nasu-solusyonan na ang problema sa hindi sementado at lubak-lubak na kalsada sa nasasakupan ng Brgy. Dianao, Cauayan City, Isabela.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Ginoong Ardy Laureta, Brgy. Secretary ng Dianao, ikinatutuwa nila na kahit papaano ay nabibigyang pansin ng pamahalaan ang isa sa kanilang suliranin.
Aniya, sa ngayon mayroon ng ilang kilometro ng kalsada sa bahagi ng daan mula Brgy. Manaoag hanggang Brgy. Dianao ang natapos na, habang nasemento na rin ang isang lane na karugtong nito tinatayang nasa 2.5 kilometers ang haba.
Labis na nagpasalamat si Ginoong Laureta sa National Government ganun din sa Lokal na Pamahalaan ng lungsod ng Cauayan dahil kahit papaano ay naibsan ang suliranin ng mga motorista sa kanilang barangay sa pagbiyahe lalo na tuwing panahon ng tag-ulan.
Aniya, umaasa ito na matatapos na ang pagsesemento sa kabilang linya ng kalsada upang mas maging madali pa ang transportasyon sa kanilang lugar.