
Cauayan City – Nagpahayag ng pangamba ang International Atomic Energy Agency (IAEA) sa posibilidad ng radiological release matapos ang mga pag-atake ng U.S. at Israel sa Iran.
Sa pulong ng Board of Governors sa Vienna, sinabi ni Director General Rafael Mariano Grossi na wala pang nakikitang ebidensya ng direktang pinsala sa mga nuclear facility ng Iran at wala ring naitalang pagtaas ng radiation sa mga karatig-bansa.
Ayon kay Grossi, sa kasalukuyan ay walang indikasyon na tinamaan o nasira ang Bushehr Nuclear Power Plant, Tehran Research Reactor, at iba pang nuclear fuel facilities ng Iran.
Gayunman, iginiit niya na hindi pa rin maaaring alisin ang banta ng posibleng pagtagas ng radiation na maaaring magdulot ng malawakang paglikas ng mga residente.
Nakaalerto rin ang Incident and Emergency Centre (IEC) ng IAEA at patuloy na nangangalap ng impormasyon, ngunit nahihirapan umano silang makipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Iran dahil sa umiiral na tensyon.
Muli ring pinaalalahanan ni Grossi ang lahat ng bansa na ang pag-atake sa mga nuclear facility ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng mga naunang resolusyon, dahil maaari itong magdulot ng malawakang pinsala hindi lamang sa Iran kundi maging sa mga karatig-bansa.
Samantala, ipinagtanggol ni U.S. President Donald Trump ang isinagawang hakbang bilang tugon umano sa “nalalapit na banta,” kahit wala umanong inilabas na ebidensya.
Samantala, iginiit ni U.S. President Donald Trump na makatarungan ang isinagawang preemptive attack dahil sa umano’y “imminent threats” mula sa Iranian guard, bagama’t walang inilabas na ebidensya.
Sa ulat naman ng U.S. Defense Intelligence Agency, ang Iran ay nagde-develop pa lamang ng missile na maaaring umabot sa U.S. pagsapit ng 2035, at wala pang patunay na malapit na itong makabuo ng nuclear bomb.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










