
Cauayan City – Patay ang isang 69-anyos na senior citizen matapos pagsasaksakin sa Barangay Lingtan, Bangued, Abra, ngayong araw, March 12, 2026.
Kinilala ng pulisya ang biktima bilang alyas “Saturnino” biyudo at residente ng Partelo Street, Zone 4 sa naturang bayan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman umano ang biktima kasama ang ilang kasamahan sa harap ng Vernalyn’s Store nang makausap nito ang suspek na nakaupo rin malapit sa kanila.
Makalipas ang ilang sandali, bigla umanong tumayo ang suspek, nilapitan ang biktima at sinaksak ito sa dibdib bago tumakas patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Rumesponde ang mga tauhan ng Bangued Municipal Police Station matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen tungkol sa insidente ng pananaksak.
Pagdating ng mga pulis sa lugar, natagpuan ang biktima na nakahandusay at duguan dahil sa tama ng saksak sa dibdib.
Agad na dinala ang biktima sa Abra Provincial Hospital sa Calaba, Bangued upang mabigyan ng agarang lunas, ngunit idineklara itong dead on arrival.
Nagsagawa na ng hot pursuit operation ang mga awtoridad upang matunton at maaresto ang suspek.
Samantala, nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Abra Provincial Forensic Unit para sa pagsasagawa ng crime scene processing.
photo: for illustration only










