Wednesday, February 11, 2026

𝗦𝗜𝗕𝗜𝗟𝗬𝗔𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗚𝗦𝗨𝗢𝗧 𝗡𝗚 𝗨𝗡𝗜𝗣𝗢𝗥𝗠𝗘 𝗡𝗚 𝗣𝗨𝗟𝗜𝗦, 𝗜𝗜𝗠𝗕𝗘𝗦𝗧𝗜𝗚𝗔𝗛𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗣𝗥𝗢𝟮

Cauayan City – Mahigpit na ipinagbabawal ng Police Regional Office 2 (PRO 2) ang hindi awtorisadong pagsusuot, paggamit, o paggaya sa opisyal na uniporme, pangalan, at ranggo ng Philippine National Police (PNP), alinsunod sa Article 179 ng Revised Penal Code.

Ito’y matapos kumalat sa social media ang isang social media post na nagpapakita ng isang sibilyan na ilegal na nakasuot ng uniporme ng pulis at itinabi pa ang larawan nito kay Police Brigadier General Antonio P. Marallag, Jr., Regional Director ng PRO 2.

Ayon sa PRO 2, ang naturang insidente ay malinaw na paglabag sa batas at pagyurak sa dangal ng uniporme at ng organisasyon, na maaaring magdulot ng kalituhan at maling impresyon sa publiko.

Binigyang-diin ng PRO 2 na hindi sila nagbibigay ng pahintulot sa sinumang sibilyan na magsuot o gumamit ng uniporme ng PNP, sapagkat ito ay pribilehiyo at pananagutan lamang ng mga lehitimong alagad ng batas.

Sa kasalukuyan, patuloy ang masusing imbestigasyon ng PRO 2 at Regional Anti-Cybercrime Unit 2 (RACU 2) upang matukoy ang mga responsable sa nasabing larawan at sa pagpapakalat nito sa social media. Tiniyak naman ng pulisya na pananagutin sa ilalim ng batas ang sinumang mapapatunayang lumabag.

Hinimok din ng PRO 2 ang publiko na sumunod sa batas, igalang ang mga sagisag ng awtoridad, at maging responsable at mapanuri sa pagbabahagi ng impormasyon sa social media.
————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan

Facebook Comments