
Cauayan City – Matapos ang ilang buwang pagtatago at pagtugis, natunton at naaresto na ng pulisya ang dalawang indibidwal na itinuturong responsable sa pagpaslang kay Bernardo Sibal Gacuan, Barangay Chairman ng Barangay Dos, Enrile, Cagayan noong May 9, 2025.
Kinilala ang mga nadakip sa mga alyas na “Mavie,” 30-anyos , at “Arnie,” 25-anyos, kapwa residente ng San Mariano, Isabela.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 2, gabi noong March 4, 2026 nang maaresto ang mga suspek sa magkahiwalay na lugar sa Calumpit, Bulacan partikular sa Barangay Balite at Barangay San Marcos.
Isinilbi sa mga akusado ang warrant of arrest para sa kasong murder kung na walang inirekomendang piyansa.
Batay sa imbestigasyon, pinagbabaril nang ilang ulit ang biktima sa loob mismo ng barangay hall. Lumalabas sa ulat na sinundan umano ng mga suspek ang kapitan hanggang sa kanyang tanggapan bago ito pinaputukan. Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklong walang plaka na minamaneho ng kanilang kasabwat.
Ayon kay Brigadier General Antonio Marallag Jr., Regional Director ng PRO2, patunay ang matagumpay na operasyon ng patuloy na pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa mga wanted persons upang matiyak na mapapanagot sa batas ang mga sangkot sa krimen at maipagkaloob ang hustisya sa mga biktima.
Source. PRO2
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










