Tuesday, March 24, 2026

𝗧𝗘𝗦𝗗𝗔 𝗔𝗧 𝗗𝗘𝗣𝗘𝗗 𝗥𝗘𝗚𝗜𝗢𝗡 𝗜𝗜, 𝗡𝗔𝗚𝗣𝗨𝗟𝗢𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗠𝗔𝗦 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗛𝗨𝗦𝗔𝗬 𝗡𝗔 𝗧𝗩𝗘𝗧 𝗣𝗥𝗢𝗚𝗥𝗔𝗠 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗦𝗛𝗦

Cauayan City — Aktibong lumahok ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Region II sa ikalawang Regular Regional Management Committee (RManCom) Meeting ng Department of Education (DepEd) Region II noong Marso 17, 2026, na ginanap sa Ciudad Don Jose Resort.

Pinangunahan ni Regional Director Ashary A. Banto ang delegasyon ng TESDA, kasama sina ROD Chief Tschaine R. Balisi at iba pang kawani mula sa Regional Operations Division.

Inilahad ng ahensya ang kanilang mga programang nakahanay para sa taong 2026, na nakatuon sa mga guro ng DepEd at mga mag-aaral sa Senior High School (SHS) sa ilalim ng Technical-Vocational-Livelihood (TVL) Track.

Tinalakay sa pulong ang pagpapalakas ng ugnayan ng TESDA at DepEd upang higit pang mapaunlad ang paghahatid ng dekalidad na teknikal-bokasyonal na edukasyon.

Binigyang-diin ni Banto ang mga hamon sa assessment ng SHS TVL learners at ang kahalagahan ng mas mahigpit na koordinasyon, pagsunod sa pamantayan, at tuloy-tuloy na pagpapabuti ng proseso upang mapanatili ang kredibilidad ng TESDA certifications.

Nagbigay rin ng ulat si TESD Specialist II Janina Mae Fabian hinggil sa SHS TVL Learners’ Assessment Programs, kabilang ang target na pondo, mga prayoridad na kwalipikasyon, at bilang ng mga mag-aaral na sasailalim sa assessment sa bawat lalawigan.

Ibinahagi rin niya ang datos sa bilang ng National TVET Trainer Certificate (NTTC) holders sa rehiyon, pati na ang talaan ng mga akreditadong assessment centers at assessors.

Samantala, inilahad ni Senior TESD Specialist Sotera Taguinod ang Compendium of Registered Programs na nakaangkla sa SHS TVL offerings, habang itinampok naman ni Gerlie Carmen Dulin ang mga scholarship program ng TESDA para sa mga mag-aaral at kawani ng DepEd.

Ayon sa mga kalahok, nagsilbing mahalagang plataporma ang naturang pulong para sa mas malalim na diyalogo, pagkakahanay ng mga polisiya, at mas epektibong koordinasyon sa pagitan ng TESDA at DepEd Region II.

📸: TESDA Region II

Facebook Comments