CAUAYAN CITY- Bagama’t mabilis na tumaas ang lebel ng tubig sa mga ilog ay siya ring kabilis nang paghupa nito sa bahagi ng Alfonso Lista, Ifugao.
Sa eksklusibong panayam ng IFM News Team kay Jolina Garcia, Local DRRMO Officer, may mga tulay ang naitalang umapaw dulot ng malakas na pag-ulan ngunit agad rin itong humupa makalipas lamang ang ilang oras.
Aniya, dahil sa mabilis na pag-apaw ng mga tubig ay napilitang lumikas ang ilang residente sa mga evacuation centers lalo na ang mga nakatira sa low lying areas.
Mahigpit naman na nakikipag-ugnayan ang kanilang hanay sa mga barangay officials upang mas mabantayan pa at masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan.
Sa pinakahuling ulat ay nasa limampung pamilya ang inilikas sa mga evacuation centers kung saan patuloy ang kanilang ginagawang monitoring at validation sa mga ito.
Dagdag pa niya, bagama’t bahagyang humupa ang tubig ay pinag-iingat pa rin ang lahat ng residente at sumangguni lamang sa kanilang tanggapan sakali mang may makitang nangangailangan ng tulong.