Cauayan City – Nasagip at nai-turnover na ang dalawang Serpent Eagle matapos mahuli ng Cagayan Animal Breeding Center and Agri-eco Tourism Park ng Provincial Veterinary Office (PVET) sa Zitangga, Ballesteros Cagayan.
Ayon kay Krusiva Tristane Jan A. Reslin at Leizel T. Costales ng CENRO-Sanchez Mira, nasagip ang dalawang agila sa magkahiwalay na lugar.
Nasagip ang isang agila sa Centro 1, Claveria, Cagayan nang makita ng isang residente ang isang asong may hinahabol na agila kaya kaagad nitong ipinagbigay-alam.
Kaugnay dito, natagpuan naman ang isang agila na nanghihina at may tama ng bala ng airgun sa Namuac, Sanchez Mira partikular na sa Pata Namuac River matapos ring makita ng isang residente.
Kaagad namang naidala nila Reslin at Costales ang dalawang agila sa Breeding Center and Agri-eco Tourism Park sa Zitangga, Ballesteros upang masuri ang kanilang kalagayan.
Ayon kay Doc. Cayetano Rabanal Jr. ng PVO na siyang umasikaso sa dalawang ibon, ang agilang natagpuan sa Centro 1, Claveria ay nasa maayos ng kalagayan kaya agad din itong pinakawalan sa mismong breeding center.
Samantala, ang ibong natagpuan sa Namuac, Sanchez Mira na may tama ng bala sa kaliwang pakpak ay nasa kanila pa ring pangangalaga.
Dagdag pa rito nagbigay naman ng paalala ang ahensya sa publiko na ang paghuli, pagpatay, at pagbebenta ng mga ganitong uri ng ibon ay mahigpit na ipinagbabawal alinsunod sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.