Nakuha ng mga tauhan ng Philippine National Police at 23rd Infantry Battallion ng 4ID ng Phil Army ang mahigit na ₱23-M cash mula sa isang investment scheme company.
Narekober ang milyun-milyong cash sa kanilang isinagawang operasyon sa District II Brgy. Cubi-cubi, Nasipit, Agusan del Norte kagabi.
Ayon kay Police Lt. Col. Chulijun Caduyac, Regional Chief ng CIDG RFU 13, tinukoy ang investment company na FRX Rice Trading Investment Scheme.
Nakatanggap aniya sila ng report na nagkakaroon ng pay-out ng isang investment scheme sa bayan ng Talacogon, Agusan del Sur.
Agad silang nagpadala ng mga tauhan sa lugar ngunit nakatunog ang mga tauhan ng kompanya kaya’t tumakas ang mga ito.
Nagkaroon ng habulan hanggang sa natunton ang grupo na inilipat ang Pay Out sa bayan ng Nasipit, Agusan Del Norte.
Nakatakas ang mga empleyado ng FRX INVESTMENT SCHEME nang isagawa ang pagsalakay pero naiwan nila ang perang nagkakahalaga ng mahigit ₱23-M na nakalagay sa 5 malalaking kahon.
Nakuha rin ang 3 units ng money counting machine; 127 na piraso ng logbook; 3 piraso ng notebook; at 5 piraso ng folder.
Isinagawa ang operation batay na rin sa kautusan ni Pangulong Duterte na tugisin ang mga sangkot sa investment scam sa Mindanao dahil sa paglabag sa RA 8799 o ang “Securities Regulation Code” .
Una nito ay sinabi ni PNP Chief Oscar Albayalde na 12 na mga investment companies ang target ng PNP at NBI.