Thursday, February 19, 2026

𝗘𝗣𝗬 𝗤𝗨𝗜𝗭𝗢𝗡, 𝗡𝗔𝗚𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗦𝗔 𝗞𝗢𝗟𝗘𝗛𝗜𝗬𝗢 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗔𝗡𝗚 𝟯𝟬 𝗧𝗔𝗢𝗡

Cauayan City – Matapos ang tatlong dekada, tuluyan nang natupad ni aktor Epy Quizon ang kanyang pangako sa sarili na makatapos ng kolehiyo.

Sa kanyang Instagram post, binalikan ni Quizon ang kanyang mga unang taon sa kolehiyo noong 1996, kung kailan isang thesis na lamang ang kulang upang makapagtapos sa De La Salle University. Gayunman, kinailangan umano niyang unahin ang “survival” dahil sa mga hamon ng buhay.

Ibinahagi rin niya na hindi na nasaksihan ng kanyang ama ang kanyang pagtatapos, ngunit maaabutan ito ng kanyang inang magdiriwang ng ika-80 kaarawan.

Nagtapos si Quizon kasama ang iba pang estudyante mula sa College of Liberal Arts ng DLSU.

Inilarawan niya ang kanyang diploma bilang isang “promise kept” at “legacy for your children.”

Sa hiwalay na post, sinabi ng aktor na iniaalay niya ang kanyang tagumpay sa yumaong ama na si Dolphy, na kilala bilang “King of Comedy,” at bilang regalo rin sa kanyang ina.

Ayon kay Quizon, nais din niyang ipakita sa kanyang mga kapatid at mga anak na ang pangarap ay maaaring maabot gaano man ito katagal.

Samantala, bumuhos ang pagbati mula sa kanyang mga tagasuporta at kapwa artista.

Kabilang sa mga nagpaabot ng mensahe sina direktor Andoy Ranay, aktor-direktor Michael de Mesa, at aktres na si Claudine Barretto.

Nakilala si Quizon sa kanyang pagganap sa mga pelikulang tulad ng Markova: Comfort Gay at Goyo: Ang Batang Heneral, gayundin sa mga proyektong gaya ng Dirty Linen, Firefly, at Greed. Sa kasalukuyan, tampok siya sa stage adaptation ng About Us But Not About Us kasama sina Elijah Canlas at Romnick Sarmenta.

Ipinahayag din ni Quizon ang kanyang pasasalamat sa kanyang alma mater at sa Diyos sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataong matupad ang isang pangakong iningatan sa loob ng 30 taon.

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments