Wednesday, January 28, 2026

𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔 𝗚𝗢𝗩𝗘𝗥𝗡𝗠𝗘𝗡𝗧, 𝗡𝗔𝗞𝗜𝗣𝗔𝗚-𝗨𝗚𝗡𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗞𝗬𝗢𝗧𝗢 𝗨𝗡𝗜𝗩𝗘𝗥𝗦𝗜𝗧𝗬 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗙𝗟𝗢𝗢𝗗 𝗦𝗢𝗟𝗨𝗧𝗜𝗢𝗡𝗦

Cauayan City – Nakipag-ugnayan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa mga eksperto mula sa Kyoto University at Isabela State University (ISU) upang isulong ang mga pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha sa lalawigan.

Personal na bumisita sa PGI ang delegasyon mula sa Kyoto University upang talakayin ang mga rekomendasyon sa flood management, kasunod ng naging pahayag ni Governor Rodito T. Albano noong nakaraang taon sa Japan na prayoridad ng kanyang administrasyon ang proteksyon ng mamamayan laban sa matinding pagbaha.

Sa pagpupulong na dinaluhan ng mga pinuno ng iba’t ibang tanggapan ng PGI, inilahad ng mga eksperto ang kahalagahan ng hotspot identification at flood mapping bilang unang hakbang upang mas maunawaan ang lawak at dalas ng pagbaha sa Isabela.

Ipinahayag din nila ang paggamit ng smart governance, kabilang ang isang centralized application system, batay sa karanasan ng Vietnam sa pagtugon sa flood crisis.

Bukod dito, iminungkahi rin ang pagpapatupad ng mga hard engineering solutions tulad ng storage at retention dams upang makontrol ang daloy ng tubig at mabawasan ang pinsala sa mga komunidad.

Pinangunahan ang delegasyon ng mga international expert na sina Professor Sameh Kantoush at Associate Professor Saber Mohamed mula sa Disaster Prevention Research Institute ng Kyoto University, kasama ang mga graduate researcher ng unibersidad.

Nakibahagi rin sa talakayan si Dr. Orlando F. Balderama, Vice President for Research and Development, Extension and Training ng ISU, at iba pang kawani ng pamantasan.

Ayon sa delegasyon, inaasahan pa ang mga susunod na pulong at mas malalim na diskusyon kasama si Isabela Governor Rodito T. Albano sa mga darating na buwan upang higit pang mapalakas ang mga konkretong hakbang laban sa pagbaha sa Isabela.

Source and Photo Courtesy: Isabela Pio

—————————————

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments