
Cauayan City – Pumasok na ang mining company na Woggle Corporation sa Barangay Bitnong, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya na may dalang mga tubo, gasolina, at drilling core boxes na gagamitin sa pagmimina.
Ayon sa ulat, naipasok ang mga kagamitan kasabay ng araw na binuwag ng kapulisan ang barikadang itinayo ng mga residente bilang pagtutol sa pagmimina.
Bahagi ang Barangay Bitnong sa mahigit 3,100-ektaryang lupain na saklaw ng mineral exploration permit na hawak ng Woggle Corporation.
Namataan rin ang mga empleyado ng Woggle na nagbababa ng drilling core boxes na naglalaman ng mga rock sample mula sa lugar.
Ayon sa Mines and Geosciences Bureau, kabilang sa mga mineral na planong minahin ng Woggle Corporation sa lugar ang ginto, tanso, zinc, at tingga.
Ayon naman sa kautusan ng korte, pinapahintulutan ang British-owned Woggle Mining Corporation na magsagawa ng operasyon sa lugar na mariing tinutulan ng mga residente dahil ito ay magbabanta sa kanilang kabuhayan at kalikasan.
Matatandaan ring habang ipinapatupad ang Writ of Preliminary Injunction, nagkaroon ng matinding tensyon sa pagitan ng mga pulis at mga nagpoprotestang residente.
Ilang indibidwal ang naaresto matapos harangin ang mga awtoridad, kabilang ang paggamit ng isang truck bilang barikada sa gitna ng kalsada.
Patuloy namang nananawagan ang mga residente sa pamahalaan na pakinggan ang kanilang hinaing at unahin ang kapakanan ng mamamayan at kalikasan kaysa sa interes ng dayuhang kumpanya.
———————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










