Cauayan City – Ipinag-utos ng Korte Suprema ang pansamantalang suspensyon ng trabaho at operasyon ng ilang hukuman sa Ilagan City at mga kalapit na bayan sa Isabela sa Marso 10, 2026, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, dahil sa nakatakdang power interruption.
Ayon sa inilabas na Memorandum Order No. 2026-024 ng Office of the Regional Court Manager ng Second Judicial Region, saklaw ng suspensyon ang mga sumusunod na hukuman.
Kabilang na ang mga hukuman sa Ilagan City (First at Second Level Courts), 6th Municipal Circuit Trial Court (MCTC) ng Benito Soliven–San Mariano, 5th MCTC ng Naguilian–Reina Mercedes, at 11th MCTC ng Gamu–Burgos.
Ang hakbang ay isinagawa kasunod ng abiso mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) tungkol sa planong pagkawala ng kuryente sa lugar.
Gayunman, tiniyak ng pamunuan ng mga hukuman na magkakaroon pa rin ng sapat na skeletal workforce upang tugunan ang mga mahahalagang usaping legal, kabilang ang mga aplikasyon para sa piyansa, orders of release, writ of habeas corpus, at iba pang agarang legal na kahilingan.
Mananatili ring bukas at mino-monitor ang mga hotline at opisyal na email ng mga hukuman upang matugunan ang mga agarang pangangailangan ng publiko.
Ang memorandum ay nilagdaan ni Interim Regional Court Manager Norman Clarence Trinidad Lasam noong Marso 6, 2026 para sa mahigpit na pagpapatupad.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan
