
Nagbabala ang ilang pamahalaang lungsod sa Pangasinan laban sa mga gasolinahang posibleng manamantala sa gitna ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo.
Sa Dagupan City, sinabi ni Mayor Belen T. Fernandez na maaaring bawiin ang business permit ng mga gasolinahang mahuhuling nagho-hoard ng suplay, nag-o-overprice, o lumalabag sa itinakdang presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa alkalde, may kapangyarihan ang pamahalaang lungsod sa ilalim ng Section 455 ng Local Government Code na ipatupad ang mga ordinansa at pangasiwaan ang mga negosyo sa pamamagitan ng permits at licensing upang maprotektahan ang kapakanan ng publiko.
Sa San Carlos City naman, nagsagawa ng price monitoring ang mga kawani ng LGU sa iba’t ibang gasolinahan sa lungsod.
Sa isinagawang inspeksyon, napansin ang pagtaas ng presyo ng ilang establisimyento na umano’y lampas sa itinakdang price limit ng Department of Energy (DOE) mula Marso 6 hanggang 9, 2026.
Pinagsabihan ang mga operator ng gasolinahan na agad sumunod sa itinakdang presyo at muling babalikan ng LGU, kasama ang mga kinatawan ng Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG), upang tiyaking nasunod ang direktiba.
Ayon sa DOE, may itinakdang pump price range para sa mga produktong petrolyo sa naturang petsa, at hindi maaaring magtaas ng presyo ang mga gasolinahan lampas sa limitasyon.
Ipinapaalala rin na mahigpit na ipinagbabawal ang hoarding at ilegal na bentahan ng petrolyo sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 33 na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865.
Babala ng lokal na pamahalaan, maaaring mapatawan ng parusa o tuluyang makansela ang permit ng mga gasolinahang patuloy na lalabag sa mga regulasyon ng pamahalaan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










