Nagbigay ng paalala ang hanay ng kapulisan ukol sa mga maaaring gawin kung sakaling makatanggap ng mga kahina-hinalang mensahe gaya na lamang ng bomb threat.
Nito lamang kasi ay nakatanggap ng mensahe ng bomb threat ang isa sa konsehal mula sa bayan ng Mangaldan kung saan partikular umanong maaapektuhan ang isa sa malaking eskwelahan sa naturang bayan.
Ayon sa panayam ng ifm dagupan kay Mangaldan Councilor Aldrin Soriano, paalala ng PNP mula sa Explosive Ordnance Disposal and K9 group na maigi umanong sumangguni agad sa kinauukulan sa oras na makatanggap ng mga mensahe na maaaring kahina-hinala at makapaminsala ng buhay ng nakararami.
Suriin rin umanong maigi ang profile o account ng taong nagpadala ng mensahe at i-report ito agad nang sa gayon ay maaksyunan agad ng mga kinauukulan na eksperto pagdating sa protocol o proseso sa pag aanalyze ng mga ganitong klase ng mensahe.
Mahalaga rin na malaman na huwag rin umanong ikalat o i-post sa mga social media accounts kung sakaling makatanggap ng mga ganitong mensahe dahil maaari naman itong magdulot ng panic chaos sa mga makakabasa. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨