
Cauayan City – Binawian ng buhay ang isang estudyante matapos na aksidenteng sumalpok sa isang wing van truck ang sinasakyan nitong single motorcycle bandang 1:40 ng madaling araw ngayong ika-11 ng Pebrero.
Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Santiago City – Traffic Enforcement Unit, ang biktima ay kinilalang si “Jun”, 18-anyos, ALS Student, at residente ng Brgy. Naggasican, Santiago City, habang ang driver naman ng wing van truck ay si “Peds”, 54-anyos, residente ng Brgy. Turud Sur, Cordon, Isabela.
Sa kanilang imbestigasyon, parehong binabaybay ng dalawang behikulo ang direksyon patungo sa Brgy. Divisoria sa nabanggit na lungsod kung saan nauuna ang wing van truck na nasa inner lane, habang ang motor ay nasa likuran nito at nasa outer lane.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, nasa proseso ng pagliko pakanan ang truck papasok sana sa kanilang bodega subalit bigla na lamang sumalpok sa kanang bahagi ng likuran ng truck ang motor ng biktima.
Sa lakas ng pagkakabangga, pumailalim at naipit sa ilalim ng truck ang motor at ang biktima, dahilan upang magtamo ito ng malalang pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Naitakbo pa sa pagamutan si “Jun” subalit sa kasamaang palad, dahil sa lala ng kanyang injury ay binawian din ito ng buhay.
Sa pinakahuling ulat mula sa Traffic Enforcement Unit, nagkaroon na ng pag-uusap sa pagitan ng pamilya ng biktima at ng driver ng truck kung saan napagkasunduang magbibigay ng tulong pinansyal ang driver sa pamilya ng nasawi.
📷 SANTIAGO CITY – TEU
—————————————
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










