Simula sa Oktubre 8 ay may ₱1.00 provisional increase kaya magiging ₱13.00 na minimum fare sa lahat ng traditional at modern jeep sa buong bansa
Ito ay makaraang pagdesisyunan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ginanap na hearing kanina pagkalooban ng ₱1.00 provisional increase ang mga public utility jeepney (PUJ) sa buong bansa upang makatulong ito na mabawasan ang epektong dinaranas sa mataas na presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Inanunsyo rin ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na provisional fare increase muna ang naibigay dahil isasalang pa sa sunod na hearing sa November 7, 2023 ang tungkol sa petisyon ng mga PUJ na ₱5.00 fare hike at ₱1.00 taas sa suceeding kilometer.
Aniya, sasalaing mabuti sa pagbusisi ang mga datos at pahayag ng mga cause oriented group kasama ang commuter group bago magdesisyon sa ₱5.00 fare hike.
Pinasalamatan naman ng mga petitioner na sina Pasang Masda President Obet Martin, ALTODAP President Boy Vargas at ACTO President Liberty de Luna ang desisyon ng LTFRB dahil kahit paano ay maiibsan ang epekto ng oil price hike.
Sinuportahan na rin ng commuters group na Move AS One Coalition ang provisional increase pero hanggang ₱1.00 lang anila ang inaprubahan sa kanilang hanay na maitaas ang pasahe sa jeep.