₱1.22-M, naipautang ng Small Business Corporation sa MSMEs

Aabot sa ₱1.22 million ang kabuuang halaga ng pautang na na-i-release ng Small Business Corporation (SB Corp.) sa kanilang COVID-19 Assistance to Restart Enterprises (CARES) Program bilang tulong sa mga maliliit na negosyo sa bansa na apektado ng COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng House Committee on Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs), sinabi ni SB Corp. Group Head Frank Gonzaga, umabot sa 10,137 ang potential borrowers na nag-inquire sa kanilang programa mula noong Abril pero nasa labindalawang loan applications lamang ang kanilang naaprubahan na may kumpletong requirements.

Mayroon pang 287 loan applications aniya ang naaprubahan na, habang nasa 4,198 applications naman ang kasalukuyan pang pinoproseso.


Nitong June 8, 2020, kung kailan nagsimula ang programa sa online ay umabot naman sa 753 online loan applications ang natanggap ng SB Corp. sa buong bansa.

Sa ilalim ng programa, maaaring umutang ang alinmang Filipino-owned MSMEs na may asset na hindi lalagpas sa ₱15 million at lubhang naapektuhan ng ipinatupad na community quarantine.

Maaaring umutang ang isang MSME ng ₱10,000 hanggang ₱500,000 na may 0% interest rate pero may 6% service fee para sa 18 months term at 8% service fee para naman sa 30 months term.

Facebook Comments