₱100,000 bounty na alok ng ACT-CIS partylist sa kaso ni Christine Dacera, binawi!

Binawi na ng ACT-CIS Partylist ang ibibigay sanang pabuya sa makapagtuturo sa ‘persons of interest’ kaugnay sa kaso ng nasawing flight attendant na si Christine Dacera.

Sa isang statement na inilabas, sinabi ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap na ‘moot’ at ‘off the table’ na ang reward sa kaso.

Ito ay dahil boluntaryo namang sumuko ang mga pinaghihinalaang sangkot sa kaso at sa ngayon ay nakikipagtulungan na sila sa imbestigasyon ng mga otoridad.


Binigyang diin pa nito na agad silang nagdesisyon na magbigay ng pabuya para sa ikadarakip ng mga “persons of interest” bilang suporta sa mabilis na ikareresolba ng kaso at pagbibigay hustisya sa pagkamatay ng biktima.

Bukod dito, noong nakaraan din kasi ay hindi pa matukoy at nagtatago rin ang mga kaibigang nakasama ni Dacera bago ito natagpuang patay sa bathtub ng kwartong inupahan nito sa isang hotel sa Makati nitong Bagong Taon.

Tiniyak naman ni Yap na patuloy pa rin na makakaasa ang pamilya Dacera na kaisa sila sa paghahanap ng hustisya para kay Christine.

Facebook Comments