₱2.4-B halaga ng mga pekeng sigarilyo, nasabat ng PNP CIDG

Sinalakay ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group Anti-Fraud and Commercial Crime Unit (CIDG-AFCCU) ang paggawaan ng mga pekeng sigarilyo sa Bulacan at Valenzuela kamakalawa.

Sa nasabing operasyon nasabat ang nasa ₱2.4 bilyon na halaga ng mga counterfeit na sigarilyo at mga smuggled na equipment.

Ayon kay Police Brig General Nicolas Torre III, hepe ng CIDG, nadakip sa nasabing operasyon ang anim na dayuhan na siyang nagmamay-ari ng pagawaan at nasagip naman ang nasa 155 na mga trabahador.


Ani Torre, umaabot sa ₱1.245 bilyon ang halaga ng pekeng sigarilyo at mga kagamitan sa paggawaan nito ang nakumpiska sa sinalakay na planta sa Bulacan habang ₱1.158 bilyon naman ang kabuuang nakumpiska sa tatlong raid sa iba’t ibang lugar sa Valenzuela.

Base sa impormasyon na nakuha ng CIDG at Bureau of Internal Revenue (BIR), umaabot sa ₱12.9 milyon ang halaga ng mga sigarilyo ang nagagawa ng nasabing planta kada araw kung saan umaabot sa ₱45 milyon ang pagkalugi ng pamahalaan sa isang araw pa lamang na operasyon ng planta.

Ang mga nakumpiskang mga sigarilyo ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng BIR habang ang mga suspek ay nasa kustodiya ng CIDG habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa mga ito.

Facebook Comments