Thursday, November 12, 2026

₱3-MILYONG LIVELIHOOD ASSISTANCE PARA SA 24 MANGINGISDA SA DAGUPAN, IGINAWAD NG BFAR; BAGONG FISHERIES FACILITIES, BINUKSAN SA SUAL

Tatlong milyong pisong tulong-pangkabuhayan ang ipinagkaloob ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR Region 1 sa isang samahan ng mga mangingisda sa Dagupan City upang mapalawak ang kanilang operasyon sa fish cage farming.

Makikinabang dito ang 24 na miyembro ng Ulupan na Sumisigay ed Pugaro o Pugaro Fisherfolk Association para sa kanilang Siganids and Milkfish Cage Farming Project sa ilalim ng MARLIN Subcomponent 2.1.

Kasabay nito, pinasinayaan din ng BFAR nitong Nobyembre 10 sa Sual Wharf, Sual, Pangasinan ang tatlong bagong pasilidad para mapalakas ang pangangalaga sa yamang-dagat.

Kabilang dito ang Mobile Fisheries Laboratory para sa on-site testing, Integrated Marine Environment Monitoring System o IMEMS Center para sa real-time monitoring ng commercial fishing vessels, at Scuba Gear Storage and Equipment Facility para sa underwater assessment.

Ayon kay BFAR Region 1 Director Remely Lachica, mahalaga ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, samahan ng mga mangingisda, at law enforcement agencies upang matiyak ang pangmatagalang pangangalaga sa yamang-tubig ng bansa.

Inaasahang sa pamamagitan ng mga bagong pasilidad at tulong-pangkabuhayan, higit na mapalalakas ang pagbabantay sa karagatan habang napauunlad ang kabuhayan ng mga mangingisda sa rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments