Tinatayang nasa ₱500 million na Quick Response Funds (QRF) ang maaaring gamitin para sa relief efforts matapos manalasa ang Bagyong Betty sa bansa.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno maaari itong hatiin sa standby quick response funds o ₱256.2-M at ₱244.7-M na continuing QRF na pondo mula noong isang taon.
Paliwanag pa ni Nepomuceno, maliban sa QRF mayroon din ₱108.2-M na halaga na prepositioned nonfood items ang OCD Central Office at regional offices kung saan maaari itong ipamahagi kaagad sa mga apektadong residente.
Dagdag pa ni Nepomuceno naka-standby rin ang iba pang government resources kabilang ang mga equipment for emergency telecommunications, transportation assets at iba pa.
Activated na rin ang emergency preparedness and response protocols ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung saan dito nakabase ang magiging tugon o tulong ng pamahalaan.
Samantala, naka-standby at nakahandang i-deploy anumang oras ang 1,679 teams mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Coast Guard (PCG) para sa ikakasang search, rescue and retrieval operations.