SALPUKAN NG MOTORSIKLO AT TRUCK, RIDER PATAY

Binawian ng buhay ang isang rider ng SkyGo 125 matapos nitong makabanggaan ang isang Isuzu Forward Truck sa kahabaan ng Brgy. Baculud, Cauayan City, Isabela nitong ika-28 ng Mayo taong kasalukuyan.

Kinilala ang nasawi na si Jonathan Barbieto, 33 anyos, may asawa, helper, at residente ng Brgy. Maligaya habang ang tsuper naman ng truck ay kinilalang si Mark John Mallillin, 25 anyos, walang asawa, magsasaka, at residente naman ng Brgy. San Luis Cauayan City.

Ayon sa report, lumalabas na nasa magkasalungat na direksyon ang dalawang behikulo kung saan tinatahak ng motorsiklo ang kanlurang direksyon patungong Centro Poblacion habang patimog naman ang truck tungong Brgy. Maligaya.


Nang makarating sa lugar, dahil sa matarik umano ang kalsada at pakurba, ay aksidenteng napunta ang motorsiklo ng biktima sa lane ng paparating na truck.

Hindi na nito nagawa pang iwasan ng truck dahilan ng kanilang banggaan.

Dahil sa impak, nagtamo ng serious head injury ang biktima na kaagad namang itinakbo sa pagamutan subalit idineklara itong dead-on-arrival ng umasisteng doktor.

Samantala, sa isinagawang imbestigasyon ng Cauayan City PS lumalabas na positibo sa alak ang biktima nang maganap ang aksidente.

Nasa kustodiya na ngayon ng PNP Cauayan ang drayber ng truck na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Properties.

Facebook Comments