₱96 KADA ARAW NA POVERTY THRESHOLD, MALAYO UMANO SA TUNAY NA GASTUSIN AYON SA ILANG PANGASINENSE

Sapat nga ba ang halos siyamnapu’t anim na piso kada araw upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng isang Pilipino?

Batay sa 2025 poverty statistics ng Philippine Statistics Authority o PSA, nasa ₱96.22 kada tao bawat araw ang national poverty threshold.

Nilinaw ng PSA na kabilang sa halagang ito ang pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan gaya ng tirahan, edukasyon, transportasyon at kalusugan.

Gayunman, para sa ilang Pangasinense, malayo umano ang halagang ito sa aktuwal na gastusin, lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Isa na rito si Myrna Marzan, isang dishwasher sa isang kainan sa Dagupan City, na nagpahayag ng pagkabigla sa pagtaas ng kanilang bayarin sa kuryente.

Samantala, para kay John David Docil, propesor sa isang unibersidad sa lungsod, hindi rin sapat ang kasalukuyang minimum wage upang makasabay sa araw-araw na gastusin.

Nasa ₱480 hanggang ₱505 kada araw ang minimum wage sa Rehiyon Uno, depende sa kategorya ng establisimyento.

Bagama’t ginagamit ang poverty threshold bilang opisyal na sukatan ng kahirapan, hindi ito nangangahulugang sapat na ang nasabing halaga para sa lahat ng pangangailangan.

Sa gitna ng mataas na gastusin, nananatiling hamon para sa maraming Pilipino ang pagkakaroon ng sahod na makasasabay sa tunay na halaga ng pamumuhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments