Tinatayang aabot sa ₱175,000 ang halaga ng mga ari-ariang natupok matapos masunog ang isang bahay sa Barangay Balococ, Lingayen, Pangasinan noong Nobyembre 7, 2026.
Ayon kay FSINSP Kinver-Ann B. Combate, Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection o BFP Lingayen, nakatanggap ang kanilang himpilan ng ulat tungkol sa sunog bandang alas-5:57 ng hapon.
Tumagal naman ng humigit-kumulang 15 hanggang 20 minuto bago tuluyang naapula ang apoy.
SOT: FSINSP Kinver-Ann B. Combate, Fire Marshal, BFP Lingayan.
Sa panayam ng IFM Dagupan sa isa sa mga residente ng nasunugang bahay, na tumangging humarap sa kamera, sinabi nitong halos wala nang natira sa kanilang mga ari-arian.
Kabilang sa mga natupok ang telebisyon, refrigerator, electric fan, mga cellphone, tablet at motorsiklong nasa loob ng bahay.
Isa sa kanilang hinihinalang pinagmulan ng sunog ang naiwan umanong nakabukas na kalan, subalit patuloy pang iniimbestigahan ng BFP Lingayen ang tunay na sanhi ng insidente.
Sa kasalukuyan, pansamantala munang nakikituloy sa bahay ng kanilang kamag-anak ang mga residenteng naapektuhan ng sunog.
Nagpasalamat naman ang mga ito dahil walang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








