Thursday, April 9, 2026

𝗕𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗡𝗚 𝗕𝗨𝗠𝗜𝗕𝗜𝗟𝗜 𝗡𝗚 𝗟𝗣𝗚 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗨𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬, 𝗕𝗨𝗠𝗔𝗕𝗔 𝗕𝗨𝗡𝗦𝗢𝗗 𝗡𝗚 𝗕𝗜𝗚 𝗧𝗜𝗠𝗘 𝗣𝗥𝗜𝗖𝗘 𝗜𝗡𝗖𝗥𝗘𝗔𝗦𝗘

Cauayan City – Nagkaroon ng pagbaba sa bilang ng mga consumer ng LPG sa Cauayan City ayon sa ilang LPG Retailers sa lungsod bunsod ng sunud-sunod na bigtime price increase.

Sa pakikipanayam ng IFM News team kay Leonalyn Alvarez, isa sa may-ari ng LPG store sa lungsod, kapansin-pansin ang pagkakaroon ng pagbaba sa bilang ng naibebenta nilang LPG nitong mga nakaraang araw.

Ganito rin ang sinabi ng tagapamahala ng isa pang LPG store sa lungsod na si Jimmy Tagaban kung saan may mga customers silang hindi na nagpapakarga ng tangke at posibleng lumipat na sa paggamit ng alternatibong panluto katulad ng uling at kahoy.

Sa kasalukuyan, halos nasa P1700 na ang presyo ng isang tangke ng local brand na LPG habang nasa P1400 naman ang pinakamura.

Ayon pa kay Ginang Alvarez, upang kahit papaano ay makatulong naman sila sa kanilang regular customers at makapagbenta pa rin, pinapayagan nila ang pansamantalang paglipat ng mga ito sa mas murang brand ng LPG.

Inaasahang sa mga susunod na araw ay mas tataas pa ang presyo ng gasul lalo pa’t halos araw-araw rin ang pagbabago ng presyo nito mula sa kanilang supplier.

Facebook Comments