
Cauayan City – Bilang hakbang sa pagpapalakas ng ugnayan ng kapulisan at komunidad, nagsagawa ang Delfin Albano Police Station ng talakayan upang maipaalam sa mga residente ang mahahalagang batas at programang may kaugnayan sa kapayapaan at kaayusan.
Ilan sa naging paksa at binigyang linaw sa talakayan ang PROJECT Safety Helmet Initiative for Every Life’s Defense o SHIELD para sa kaligtasan ng mga motorista, Presidential Decree 533 o Anti-Cattle Rustling Law na layong maprotektahan ang mga alagang hayop ng mga magsasaka at maiwasan ang pagnanakaw ng mga ito
at ang kahalagahan ng pagmomonitor sa mga dayuhang pumapasok sa barangay.
Bilang bahagi naman ng National Women’s Month, ipinaliwanag nina Police Corporal Pinky Cammayo at Police Corporal Kristel Ann Marquez ang mga batas na nagpoprotekta sa kababaihan at kabataan, tulad ng Anti-Rape Law (RA 8353) at Anti-Violence Against Women and Their Children Act (RA 9262), kasama na ang proseso ng pagkuha ng Barangay Protection Order para sa mga biktima ng karahasan.
Binigyang-diin din sa programa ang kahalagahan ng aktibong pakikipagtulungan ng komunidad sa kapulisan upang mas epektibong mapigilan ang kriminalidad sa lugar.
Ayon sa pulisya, mahalagang maging mapagmatyag at makipag-ugnayan ang mga mamamayan sa awtoridad upang mapanatili ang kaayusan sa komunidad.
Source: Delfin Albano PS










