𝗝𝗔𝗣𝗔𝗡 𝗡𝗜𝗬𝗔𝗡𝗜𝗚 𝗡𝗚 𝟲.𝟮 𝗠𝗔𝗚𝗡𝗜𝗧𝗨𝗗𝗘 𝗡𝗔 𝗟𝗜𝗡𝗗𝗢𝗟



Cauayan City – Isang lindol na may lakas na 6.2 magnitude ang yumanig sa baybayin ng kanlurang Japan ngayong araw Martes, ika-6 ng Enero, ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA).

Nilinaw ng ahensya na walang inilabas na babala ng tsunami kaugnay ng pagyanig.

Ayon sa JMA, naitala ang lindol dakong 10:18 ng umaga sa Shimane Prefecture.

Bilang resulta, wala namang naiulat na malaking pinsala matapos ang insidente.

Samantala, iniulat ng US Geological Survey (USGS) na bahagyang mas mababa ang kanilang naitalang lakas ng lindol, na nasa 5.8 magnitude.

Sa ganitong antas ng pagyanig, posibleng matumba ang mabibigat na kasangkapan at mahirapan ang mga drayber sa pagkontrol ng kanilang sasakyan.

Dagdag pa ng JMA, sinundan ang pangunahing lindol ng ilang mas mahihinang pagyanig sa parehong rehiyon na may lakas na 4.5, 5.1, 3.8 at 5.4 magnitude, ngunit wala ring inilabas na tsunami alert.

Matatagpuan ang Japan sa ibabaw ng apat na pangunahing tectonic plates sa kanlurang gilid ng Pacific Ring of Fire, dahilan kung bakit ito kabilang sa mga bansang pinaka-aktibo sa lindol sa buong mundo.

Ang kapuluan, na may humigit-kumulang 125 milyong populasyon, ay nakararanas ng tinatayang 1,500 lindol bawat taon.

Karamihan sa mga ito ay mahihina, subalit nagkakaiba-iba ang pinsalang dulot depende sa lokasyon at lalim ng pagyanig sa ilalim ng lupa.

————————————–
‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan

Facebook Comments