Monday, January 26, 2026

𝗟𝗔𝗟𝗔𝗞𝗜𝗡𝗚 𝗛𝗨𝗟𝗜 𝗦𝗔 𝗔𝗞𝗧𝗢 𝗡𝗚 𝗜𝗟𝗘𝗚𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗧𝗢-𝗧𝗥𝗢𝗦𝗢, 𝗔𝗥𝗘𝗦𝗧𝗔𝗗𝗢

Cauayan City – Dinakip ng mga awtoridad ang isang indibidwal na sangkot sa ilegal na pagtotroso at hindi awtorisadong paggamit ng chainsaw sa Barangay Aguinaldo, Cordon, Isabela noong ika- 25 ng Enero, 2026.

Kinilala ang suspek na si alyas “Cardo,” 46-anyos, magsasaka, at residente ng Barangay Rizaluna, Cordon, Isabela.

Ayon sa ulat,nakatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen ang mga awtoridad hinggil sa umano’y pagputol at paglalagari ng mga puno sa lugar.

Agad na rumesponde ang kapulisan at sa kanilang pagdating ay naaktuhan ang suspek na naglalagari ng mga troso. Nabigo itong magpakita ng anumang permit o legal na dokumento para sa kanyang gawain, dahilan upang siya ay agad na arestuhin.

Nakumpiska sa operasyon ang isang portable chainsaw, at walong piraso ng kahoy na G-melina na may tinatayang kabuuang sukat na 80 board feet at nagkakahalaga humigit-kumulang P4,000.00.

Matapos ang operasyon, dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Cordon Police Station para sa karagdagang dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 o ang Revised forestry Code of the Philippines, at Republic Act No. 9175 o Chainsaw Act of 2002.

———————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments