𝗠𝗔𝗛𝗜𝗚𝗜𝗧 𝗣𝟯𝗕 𝗣𝗢𝗡𝗗𝗢 𝗡𝗚 𝗡𝗨𝗘𝗩𝗔 𝗩𝗜𝗭𝗖𝗔𝗬𝗔, 𝗜𝗟𝗔𝗟𝗔𝗔𝗡 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗢𝗖𝗜𝗔𝗟 𝗪𝗘𝗟𝗙𝗔𝗥𝗘 𝗣𝗥𝗢𝗝𝗘𝗖𝗧𝗦

Cauayan City — Inaasahang mas palalakasin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya ang pagtutok sa direktang benepisyo ng mamamayan matapos aprubahan ang mahigit P3 bilyong pondo para sa 2026 Local Expenditure Program.

Layunin ng pondo na magsilbing foundation para sa mga programa at proyektong inaasahang magpapaunlad sa lalawigan.

Ayon kay Gobernador Jose Gambito, ang badyet na pinagtibay sa ilalim ng Appropriations Act 2025-01 ay nakahanay sa pangmatagalang development plan ng lalawigan at sa kanyang adbokasiyang “Gayyem ti Umili”, na isinusulong ang prinsipyong walang maiiwan, dekalidad na serbisyo, at pagkakaisa tungo sa kaunlaran.

Kabilang sa mga pangunahing prayoridad ng 2026 LEP ang agrikultura at seguridad sa pagkain, kalusugan at serbisyong panlipunan, edukasyon at pagpapaunlad ng kakayahan ng mamamayan, imprastraktura tulad ng Kalsada Ti Kabanbantayan Project, gayundin ang turismo, kultura, at pangangalaga sa kalikasan.

Pinalalakas din ang pondo para sa disaster risk reduction at climate resilience bilang paghahanda sa mga sakuna.

Nakasaad din sa budget ang suporta para sa organic agriculture, Micro, Small, and Medium Enterprises, at mga programang lilikha ng trabaho upang mapalawak ang oportunidad sa kabuhayan ng mga Novo Vizcayano.

Binigyang-diin ni Gambito na ang badyet ay hindi lamang listahan ng gastusin kundi isang malinaw na pangako na ang bawat pisong ilalaan ay may katumbas na konkretong resulta para sa mamamayan.

Pinasalamatan din ng Gobernador ang Sangguniang Panlalawigan sa mabilis na pagpasa ng programa, na aniya’y magsisilbing susi sa mas inklusibo at tuloy-tuloy na pag-unlad ng Nueva Vizcaya.

Source: PIA Cagayan Valley

————————————–
‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan

Facebook Comments