Tuesday, March 10, 2026

𝗠𝗢𝗧𝗢𝗥𝗦𝗜𝗞𝗟𝗢 𝗔𝗧 𝗦𝗨𝗩, 𝗡𝗔𝗚𝗞𝗔𝗕𝗔𝗡𝗚𝗚𝗔𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗡 𝗠𝗔𝗥𝗜𝗔𝗡𝗢, 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔; 𝗗𝗥𝗜𝗩𝗘𝗥 𝗔𝗧 𝗕𝗔𝗖𝗞𝗥𝗜𝗗𝗘𝗥 𝗡𝗚 𝗠𝗢𝗧𝗢𝗥𝗦𝗜𝗞𝗟𝗢, 𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬!!

‎Cauayan City – Patay ang dalawang katao matapos ang nangyaring aksidente sangkot ang isang motorsiklo at SUV sa kahabaan ng National Road sa Barangay Minanga, San Mariano, Isabela, ika-7 ng Marso taong kasalukuyan.

‎Kinilala ang driver ng SUV na si alyas “Ruben”, 42-anyos at residente ng Brgy. San Fabian, Echague, Isabela, habang ang motorsiklo naman ay minamaneho ni alyas “Ken” sakay ang backrider na si alyas “Jo”, parehong 18-anyos, estudyante, at residente ng Brgy. Dibuluan, San Mariano, Isabela.

‎Ayon sa ulat ng PNP San Mariano bandang ala-una ng hapon nang makatanggap sila ng tawag mula sa 911 hinggil sa naganap na aksidente. Agad namang rumesponde ang mga pulis upang magsagawa ng imbestigasyon sa lugar.

‎Sa initial investigation, binabagtas ng SUV ang northbound lane ng kalsada samantalang paparating naman mula sa kabilang direksyon ang motorsiklo.

‎Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, pumasok sa linya ng SUV ang motorsiklo na naging dahilan ng banggaan.

‎Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng matitinding pinsala ang driver ng motorsiklo at ang backrider dahilan upang agad silang isinugod sa San Mariano Community Hospital ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO upang mabigyan ng lunas, ngunit sa kabila nito ay kapwa rin silang nasawi kalaunan.

‎Hindi naman nasaktan ang driver ng SUV, ngunit parehong nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan. Dinala ang mga ito sa San Mariano Police Station habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

‎Source: PNP San Mariano

Facebook Comments